Sa pag apak ko pa lamang sa paliparan, madami ng mga tao na nag totore sa palibot ko. Karamihan sa kanila ay mga puti, matatangos ang ilong, at mala ginto ang buhok. Meron ding mga itim, mga hispano at latino, mga indiano, mga intsik, at kung ano ano pang mga nasyonalidad. Napakalaki ng paliparan. Madaming mga tindahan, restawran, at kung ano ano pang maiisip mong pwede bilhin, mahahanap mo dun. Para akong nasa kagubatan, na sa isang maling pag liko hindi ko na mahahanap ang mga kasama ko.

Kasama ko nga ang pamilya ko, pero hindi ko din naman talaga sila kilala. Para akong aso na sumusunod at bumubuntot kahit saan sila pumupunta para lang hindi maligaw. Gusto ko ng umuwi sa pilipinas. Pinipilit kong magising sa akala kong panaginip lamang; ako ay hindi nagtagumpay. totoo ang mga nangyayari. Ako ay nasa ibang bansa. Dun ko lang opisyal na naramdaman na wala na talaga ako sa lupang sinilangan.

Ibang iba talaga ang estados unidos kung ikukumpara sa pilipinas. Sa mga daan pa lamang na napakalawak at espaltado hanggang sa estilo ng pagmamaneho ng mga drayber. Mas maayos ang mga kalye at parang nakapila ang mga kotse sa iisang linya lamang -- hindi kagaya sa pinas na kahit saang merong bakante na daan pwede magmaneho dun. Wala akong nakitang basura na nakakalat sa daan at napakalawak ng lupain na parang wala ng hangganan.

Akala ko sa pag lapag ng eroplano, mga ilang minuto lamang nasa bahay na kami. Yun pala, madadagdagan pa ng dalawang oras ang byahe namin at idagdag mo pa ang pag hintay ng mga maleta. Pagkatapos namin makuha ang napakabigat na mga maleta namin, Papunta na kami sa Pinakahuli naming destinasyon; ang bahay nila. Pakiramdam ko isang araw kaming nakasakay sa trak ng erpat ko pauwi sa bahay nila. napakasakit na ng pwet at katawan ko. ang pinakamasakit sa lahat ay ang tiyan ko kakapigil ng pag labas ng utot ko.

Sa pag gising ko (sabay punas ng laway na tumutulo), binangit nila na malapit na daw kami sa paroroonan. masayang masaya ako sa narinig na balita at naisip ko kaagad ang kamang naghihintay sa akin. Handa na akong humiga at matulog ng ilang dekada pagkatapos ng napakahaba at nakakapagod na byahe.

nakita ko na ang bago kong tahanan. bigla akong nagising. hindi ako makapaniwala na yun na ang bago kong titirhan. Ibang iba din ang mga bahay dito sa estados unidos kung ikukumpara sa mga bahay na kinagisnan ko. Lahat malalaki, lahat magaganda, lahat mukhang mamahalin. Higit sa lahat, hindi dikit dikit sa isa't isa ang mga bahay dito (depende sa lugar na tinitirhan mo). Nakalimutan ko pansamantala ang pagkaulila ko sa Pilipinas. Natuwa ako sa nakita ko at namangha. Pag pasok ko sa bahay, ako'y nahimasmasan na sa nararamdaman kong galak. Ako'y natulog na.

Limang taon na ako dito sa estados unidos. Sa limang taon na iyon, apat na taon akong nakatira sa bubong ng mga magulang ko. Ako'y isang estranghero sa mga taong iyon. Nahirapan akong kilalanin sila lalo na ang totoo kong magulang; ang mama ko. Nahirapan akong intindihin ang mga biro nila, mga iniisip nila, at ang mga paraan nila. Oo namimiss ko ang pilipinas, pero wala akong magawa kundi mag tiis kasi ito ang gusto ng mga magulang ko. sila ang nagsusustento sa akin kaya wala akong ibang magagawa kundi sundin sila sa lahat ng gusto nila.

Pinakauna kong trabaho dito ay ang pag alaga ng mga matatanda. Nakatira sila lahat sa isang gusali eksklusibo lamang para sa mga matatanda. halos lahat ng karamdaman na maiisip mo nandun. simula sa Pagiging makakalimutin, mga matatanda na naghahalusinasyon, at yung sadyang may sayad lang talaga. lahat nandun. Parang isang malaking pinyata ang tirahan nila, at ang mga laman ng pinyata ay ang mga matatanda na nakatira sa gusaling iyon.

sa bawat walong oras na pag lagi ko dun sa trabaho ko, pakiramdam ko tumatanda ako ng isang taon. Masakit ang likod ko, mga paa, at ang ulo ko ay sumasakit din dahil sa kunsomisyon na dinudulot ng mga inaalagaan ko. Mahirap kumita ng malaking pera sa ganitong paraan kasi kelangan mo talagang paghirapan. Kelangan mong bihisan sila sa umaga, pakainin, paliguan, at kelangan mong siguraduhin na komportable sila. at pag umihi sila o tumae, syempre kelangan ko silang linisan, punasan, at pabanguhin ulit. para ka lang nag alaga ng bata, pero sa sitwasyong ito, ang bata na inaalagaan mo ay mas malaki, mas mabigat, at mas matanda keysa sa sa'yo. Mahirap, nakakapagod, at minsan nakakainis ang trabahong ito, pero kelangang gawin. Labing walong taong gulang lang ako sa unang araw ko sa trabahong ito.

Hindi ko inakala na ganito ang mapagdadaanan ko dito sa estados unidos. Akala ko, maginhawa at madali ang mararanasan kong buhay dito. Akala ko, pag nakatira na ako dito, mayaman na ako. kasi hindi ba ganun din naman ang tingin natin sa mga taong nakatira dito? mayayaman? maginhawa ang buhay? Walang paghihirap? Walang mga dukha at mga pulubi? mali ako. lahat ng kuro kuro ko ay mali at malayo sa katotohanan. Lahat ng inakala ko nung ako ay lumalaki ay pawang ilusyon lamang.

Ang buhay sa estados unidos ay hindi kasing dali ng iniisip ng karamihan. kelangan mong magsumikap. kelangan mong magtrabaho para mabuhay. Kelangan kumayod para mabayaran ang bahay at kotseng hindi makakamtan kung hindi uutang. kelangan bayaran ang napakamahal na matrikula pagkatapos mag aral. Kelangan mag trabaho para merong pagkain sa mesa, tatlong beses sa isang araw. kelangan mong mag sumikap mag isa para sa sarili mo at para sa mga taong umaasa sa'yo na nasa ibang bansa. Kelangan mag trabaho para lang makabigay ng pasalubong kay lolo at lola. sa mga pinsan na walang alam kundi mang hingi ng damit at sapatos. mga tiya na mahilig sa mga relo at kwintas. sa mga tiyo na mahilig sa sapatos at maninipis na telebisyon. kelangan magkapera para sa kanila na pati mga luho mo nakakalimutan mo na.

Ganito ang buhay sa ibang bansa. Hindi ito kasing ganda ng iniisip niyo di ba?